factory defect /
Thursday, January 13, 2005
1993.
Hindi ba nakakainis kapag meron kang bagong gamit sobrang excited ka gamitin ito tapos pagkadating mo ng bahay makikita mo na lang...PUMYEMA!!! may sira ang puta!
Factory defect ang kadalasan dahilan na sinasabi sa akin ng kuya ko tuwing nangyayari sa akin iyon. Masasabi kong hindi makatarungan ang pagkakaroon ng gamit na may factory defect pero sino naman ang aking pwedeng sisihin?
Kabaligtaran naman ng factory defect sa gamit, hindi raw normal ang isang pamilya kapag wala raw itong depekto. Sa bagay, halos lahat ng kakilala ko e may sayad rin ng kaunti ang pamilya. Wala rin namang perpektong tao, pamilya pa kaya???
Madalas maikwento sa akin ng aking ina ang mga napagdaanan nilang magasawa noong nagsisimula pa lamang sila. Ako naman, nagkukunwaring di ko maalala ang lahat ng kanyang kwento pero ang totoo... parang kahapon lang nangyari ang lahat.
Karaniwan na ang sigawan at away ng aking mga magulang sa loob ng bahay. Awa ng Diyos, di pa naman sila gumagawa ng iskandalo sa labas ng aming tahanan. Siyam na taong gulang ako nang masaksihan ko ang unang pinakagrabeng away ng aking mga magulang. Tseke ang pinagmulan ng gulo. Mahimbing kaming natutulog noon ng aking mga kapatid nang magising kami sa ingay ng bunganga ng aking ama. Ratatatatat... 'stig! parang machine gun ang bibig nilang mag-asawa. May hinahanap na tseke ang taty ko noon at pinagbibintangan niya ang aking ina na kumuha nito. Ginamit raw ni mama pang-shoppin. Ewan ko ba, pwede naman niya ito hanapin at tanongin ang aking ina sa mahinahon na pamamaraan. Noong gabing iyon, nagamit na yata ng aking ama at ina ang lahat na masasamang salita na naimbento ng tao. "Shit ka!"... "Ulol!"...Lumalala nang lumala ang eksena. Daig pa ang laban ni Darna at ang Babaeng Ahas. nagkulong ang nanay ko sa banyo---sinisipa naman ng tatay ko ang pinto. CRACK! ayun, wasak ang pinto. Makalipas ang ilang oras napuno rin ang nanay ko. Wala pang limang minuto, nakapagimpake na kaming magkakapatid at lumayas na kami ng bahay. Tumuloy kami noon sa bahay ng aking tiyahin, at parang isang pelikula, nagiyakan silang magkapatid. Lumipas ang ilang araw , bati na ang aking ama't ina. Balikan! Parang Sharon Cuneta at Gabby Concepcion ang love story... Nakita kasi ng tatay ko na nailagay pala niya ang nawawalang tseke sa cashbox. leche!
Maraming beses pa naulit ang mga ganitong eksena sa pamilya ko. Iba't ibang rason ng away, lalayas kami, makalipas ang ilang araw uuwing muli. Minsan, nakukuha kong sisihin ang Diyos kung bakit ako nagkaroon ng ganitong klaseng pamilya.Pero tulad nga ng isang factory defect sa gamit, wala kang pwedeng ibang sisihin. Maaaring di mo ito gusto, pero pagtiyatiyagaan at tatanggapin mo rin lang sa bandang huli.
i took a shot.
6:23 PM
0 prescribe me a different pill.